Nasa paaralan ako kanina, nagkukunwaring gising habang dumadakdak ang guro. Parang karaniwang araw lang; madami kaming ginagawa, inaantok ang karamihan (kasama na ako dun), at hindi na nararamdaman ang pwet. Dahil sa nabagot ako, tumingin ako sa labas ng bintana at napansin ko na ang dilim na pala sa labas. Ang lakas na ng hangin at sumasayaw na ang mga puno. Biglang nawala ang kuryente. Sinasabi ko na nga ba, magiging eksayting na din ang araw na ito sa wakas!

Dumating ang isang guro, tinanong kami kung ayos lang ba kami. Ang sabi ko naman, “Oo naman ayos lang kami! Hindi pa tapos ang diskusyon at nawalan kami ng kuryente. Ah, oo pala. Sumasayaw na ang mga puno sa labas!” Ok, hindi ko talaga sinabi yon. Nasa isipan ko lang yun. Umalis na ang guro, pero dumating naman yung isa pang guro. Siya ang paborito ko sa lahat. Nakakatawa at parang walang problema. Syempre ang intro niya ay isang korning biro na nagpatawa sa klase. Pagkatapos niya sabihin na meron palang paparating na bagyo o ipo ipo at baka madaanan kami at baka kailangan naming mag tago, umalis na siya. Kaya pala nag biro! Meron palang gustong sabihin na importanteng bagay.

Sinubukang magpatuloy sa aming diskusyunan ang aming guro. Walang ilaw, walang malamig na hangin, at walang nakikinig. Biglang bumalik ang korni naming guro. Pinapaalis na kami sa silid aralan naming para mag tago. Aba may fieldtrip kami! Bumaba kami papunta sa unang palapag para hindi kami matangay ng ipo ipo kapag natangap ang bubong. Ngayon gising na ako at natutuwa kasi naligtas ako sa nakakabagot na diskusyunan.

Nakaupo na kami dun sa pasilyo naghihintay na matapos na ang bagyo. Ang iba parang wala lang; nagtatawanan, nag fafacebook, nakikipagchikahan. Ako? Naiihi ako! Lecheng pantog bakit ngayon pa gusto umihi?

Walang ipo ipo na tumama sa paaralan naming kanina. Maswerte kami at meron pa kaming paaralan na papasukan bukas. Maswerte kami kasi pwede pa kaming mabagot ulit bukas at pwede ding hindi na namin maramdaman yung pwet namin kasi nakadikit ito sa upuan. Yung iba ay hindi masyadong mapalad, lalo na dun sa Joplin, MO (mga tatlo o apat na oras ang layo sa tinitirhan ko ngayon) hindi sila gaano ka swerte. Tinamaan sila ng napakalakas na ipo ipo at sirang sira ang isang ospital dun. Ang mga bahay ay nabura at ang natira na lang ay ang mga kahoy na ginamit pang pundasyon. Wasak na wasak ang mga sasakyan, nakapatong sa isa’t isa. Madaming materyal na bagay ang nasira, madaming mga alaga na hindi mahanap, madaming tao ang nawawala, madaming tao ang namatay. Napakalaking sakuna ang nangyari kahapon. Madaming pamilya ang nahiwalay, madaming mga gusali ang nasira, at madaming banko at kompanya ng “insurance” ang malulugi dahil sa nangyari.

Napapadalas na ang mga kalamidad at sakuna ngayon. Nung isang araw lang, merong nanghula na gugunaw na ang mundo nung ika dalawampu’t isa ng Mayo. Tapos yung lindol at tsunami naman sa Japan na nagpakomplikar ng “nuclear plant” nila. Meron ding ipo ipo na sinira ang mga bahay na malapit sa paaralan ko ngayon nung desperas ng bagong taon.  Hindi ko na matandaan ang iba, pero ang alam ko lang ay madami ng sakuna na nangyari at kakasimula pa lang ng taon. Paano na pag natapos na ang taon?

Ano ba talaga ang balak ng Diyos para sa atin? Bakit parang unti unti Niya ng binabago ang mundo sa pamamagitan ng mga kalamidad at sakuna? Sawa na ba Siya sa mga krimen na nagaganap sa mundo na parang gusto Niya na lang mag simula ulit? Ano ba ang dapat nating gawin para maging handa tayo? May magagawa ba tayo para maiwasan ang mga sakunang ito?

Hindi ko talaga alam kung ano ang balak Niya para sa atin. Hindi ko alam kung anong gagawin ko pag magiging biktima ako at ang misis ko sa isang kalamidad. Ang alam ko lang ay ang mag ingat palagi at pag masama ang panahon, wag na lang gumala at mas piliin na lang ang pagmukmok sa bahay. Ilagay sa telepono ang mga numero na kailangan tawagan pag nawalan kami ng kuryente. Dapat nakahanda palagi ang mga “flashlight” at madaming ekstrang baterya baka sakaling kailangan ng madami pa. Meron kaming tatlong galon ng tubig baka sakaling mawalan ng tubig (dapat nga isang galon para sa isang tao kada araw). Manuod ng balita palagi lalo na pag merong bagyo at ngayong meron ng mga “laptop” punta lang kayo sa “twitter” at madaming mga may sayad na nag ttweet kung nasaan ang ipo ipo o bagyo. Laging punuin ang baterya ng selpon at wag muna pansinin ang mga “gm” ng iba. Ipakitang kalmado ka kahit na takot na takot ka na at gusto mo ng umihi sa panloob mo. At ang pinakahuli, wag na wag kalimutan mag dasal.

Para naman sa mga gustong tumulong sa mga nasalanta ng bagyo, malaking tulong ang kahit na anong bagay. Tubig, pagkain, damit, kumot, pera, kahit na anong klaseng tulong pwede. Bidang bida ang Red Cross sa kalamidad at alam kong okupado talaga sila sa taong ito kaya kung kaya mo, mag boluntaryo ka sa kanila. Pag wala ka talagang pera at ayaw mong mag boluntaryo, ipagdasal mo na lang ang mga taong nasalanta ng kalamidad at ang mga taong buhay pa pero hindi mahanap ng iba.

Wag na wag mong hahayaan na sirain ng kalamidad at sakuna ang buhay mo. Siguro nga nawala na ang lahat ng gamit na pinaghirapan mo, pero ang importante ay buhay ka. Bumangon ka at wag na wag sumuko.

Kailangan ko na pala matulog. Meron pa pala akong paaralan na papasukan bukas. Sa susunod ulit.

 
Paumanhin at ang tagal kong hindi nakapagsulat sa kwaderno kong nakakamangha at hindi nakakabagot. Meron lang akong mga bagay na kailangang asikasuhin at hindi pwedeng ipasabukas. Masyado ko lang pinagtuunan ng pansin ang pinagkakaabalahan ko. Halos buong araw ito ang ginagawa ko. Pag gising hanggang sa pag tulog ito ang iniisip ko. Siguro nagtataka na kayo kung ano ang tinutukoy ko ano? Meron na ba kayong mga hula? Wala? Gusto niyo bigyan ko kayo ng idea? Nag sisimula lang naman ito sa letrang “P.” Pagpapantasya? Pagsusugal? Pakikipaghalikan? (Hindi masamang makipaghalikan buong araw basta siguraduin mo lang na nakapagsipilyo ka). Ano sirit na? Pag aaral ko ang pinagkakaabalahan ko – pundar ng aking kinabukasan.

Isang buwan na akong nag aaral. Ang kurso ko ay ang pambansang kurso ng Pilipinas. Ang magiging espesyalidad ko naman ay ang pagiging tambay at pabigat pagkatapos mapasa ang “board exams.” May hula na ba kayo sa kung anong kinukuha ko? Magaling! Narsing ang aking kurso.

Halos dalawang taon na akong nag aaral para maging tambay at hanggang ngayon ay wala pa din akong napapala: hindi pa din ako tambay. Palagi pa din akong nag aaral at gumigising ng maaga para gumastos at mag lagay ng pera sa isang malaking karton na otomatikong tindahan, “vending machine” sa ingles. Mahaba habang paglalakbay pa ang gagawin ko sa pag aaral kong ito. Parang halos isang taon pa ang lalakbayin ko at impyernong tatahakin para maging tambay lang. Kung nasa Pilipinas ako nag aaral, apat na taon ang masasayang. Buti na lang dito sa Estados Unidos ay pwedeng mag aksaya ng isang taon para maging Nars.

Sa totoo lang, hindi naman talaga ako magiging tambay pag nakapasa ako sa eksam na upang mabayaran ko ay kailangan ko munang mag benta ng limang talampakang bituka ko. Makakapagtrabaho naman ako kaagad lalo na ngayong nagtatrabaho din ako sa isang pasilidad na nag aalaga ng mga matatanda. Hindi mahirap mag hanap ng trabaho dito. Ako ang naaawa sa mga taong kailangan pagdaanan ang apat na taon sa impyerno para lang maging tambay. Mahirap makakuha ng matinong trabaho sa Pilipinas na merong mataas at desenteng sahod. Hindi ko alam kung saan napupunta ang perang inuutang ng Gobyerno natin na dapat ay tinutustos sa pag aaral o pag gawa ng trabaho sa bansa. Hula ko na lang ay nahuhulog ito sa mga malalalim na bulsa ng mga taong magaling humawak ng pera ng bansa. Sa sobrang galling nila humawak ng pera ay binubulsa nila ito para makasigurado sila na walang makakanakaw sa perang iyon (kundi sila).

Paumanhin at napunta ako bigla sa politiko. Masyado lang akong ma opinion pag dating sa ganung paksa. Babalik na ako sa pag susulat tungkol sa pagiging tambay…

Ang mga estudyanteng nakapagtapos sa Pilipinas ay kung saan saan na lang naghahanap ng trabaho makapagtrabaho lang. Ang mga nars, nagbibigay ng aplikasyon sa mga “call center.” Ang iba nagiging tindera sa SM o Ayala. Ang iba naman sa Jollibee o sa McDo nag wawalis o nagbibilang ng pera. Nakakaawa. Nakakainis. Nakakasuklam. Hindi ba dapat ang mga nars sa ospital nag tatrabaho? Hindi sila nag aral kung saan dadaan ang  dugo sa buong katawan para kunin ang order natin!

Hindi ko alam kung ano ang gagawin ng gobyerno para masolusyunan ang pag lisan ng ibang mga nars papunta sa ibang bansa para lang makapagtrabaho at makakuha ng desenteng sahod. Ginagawa lang nila ang tingin nilang magandang desisyon para mabuhay ang kanilang pamilya. Sa totoo lang hindi naman talaga kailangan magibang bansa kung ang gobyerno mismo ng Republika ng Pilipinas ang gagawa ng solusyon para matigil ang pag “brain drain” ng bansa. Pakiramdam ko lang naman kasi, plantasyon ng mga magagaling at matatalinong nars ang Pilipinas. Tagapagpadala ng mga nars papuntang Estados Unidos, UK, UAE, at kung saan saan pa para lang minsan maabuso at para mahiwalay sa pamilya.

Mahirap mag isa sa ibang bansa. Kung meron lang paraan para makahanap ng matinong trabaho ang mga nars sa Pilipinas mas pipiliin nilang manatili sa Lupang Sinilangan, pustahan pa tayo. Walang may gusto mangibang bansa kung meron lang sanang matitinong trabaho sa Pilipinas. Ba’t ba kasi pumapayag ang Gobyerno na ibang bansa ang nakakagamit ng magagaling nating mga trabahador kagaya ng mga guro, inhinyero, mga doktor at dentista, at madami pang iba. Kung may gagawin lang sana ang Pilipinas, wala ng pamilya na mahihiwalay dahil lamang sa pera. Wala ng mga anak na lalaki na walang kinikilalang ina o ama kasi kailangan nilang mangibang bansa. Wala ng mga lolo at lola na mag aalaga ng mga apo nila kasi lumipad papuntang Estados Unidos ang mama ng apo nila para mabigyan ng magandang kinabukasan. Masakit isipin na kailangang pagdaanan ng mga Pilipino ang mga bagay na ito. Mahirap intindihin kung bakit kailangang mangibang bansa para mabuhay ang pamilya sa sariling bansa.

Paumanhin at ako ay biglang nag sermon, ako’y napaisip lamang. Paumanhin, paumanhin.

 
Alas dos na ng madaling araw at gising pa din ako. Malamang hinihintay na ako ni misis na tumabi sa kanya, pero ako ay hindi pa handang humiga sa kama. Madami dami din ang bumabagabag sa kukote kong kasing laki ng mani. Iniisip ko ang pag aaral ko, binibisita ko ang banyo palagi para umihi, at syempre iniisip ko ang berdeng pera; hindi din naman iyan nawawaglit sa isipan ko.

Nalibang ako kamakailan lamang sa pagkuha ng mga litrato. Kakabili lang kasi namin ng kamerang haytek. Pakiramdam ko yan na lang ang ginagawa ko buong araw nung una namin itong makuha. Piktyur dito, piktyur dun! Panay hanap ng paksang pwedeng pagdiskitahan. higa dito, gulong dun! Hindi naman ako baliw, ginagawa ko lang iyon para makuha ang litratong gusto ko.

Nagkasakit din ako malamang dahil sa katangahan ko. Siguro hindi ko nahugasan ng mabuti ang mga kamay ko o nasobraan ako ng pag lamon ng mga pagkaing puno ng pampreserba kaya ako nagkaimpeksyon sa daanan ng ihi. Ano man yung nagawa kong mali, susubukan ko ng wag na wag na wag ulitin iyon. Bakit ika mo? Unang una, ihi ka ng ihi ng walang humpay. Pakiramdam mo naiihi ka palagi. at pag binibisita mo naman ang kubeta para maipalabas ang kailangang lumabas, anak ng pating, para ka lang umiyak pero sa ibang butas lumalabas ang luha. Ganun ka konte ang mga ihi ko. (naiintindihan ko na medyo nakakadiri kasi ihi ko ang pinaguusapan natin. pakiramdam ko kailangan ko lang maglabas ng sama ng loob dahil sa napagdaanan kong impyerno). Nasabi ko din ba na parang merong siling labuyo na pinapasok dun sa butas pagkatapos pumatak ng pinakahuling ihi? Masakit, mahapdi, at pakiramdam ko mamamatay na ako sa bawat pag tapos ng pag ihi ko. Hindi ko na mabilang kung ilang beses na nakipaghalikan ang pwet ko sa mukha ng inodoro sa isang araw. Sa kalagitnaan ng gabi, nagigising na lang ako sa napakalalim kong pagtulog para lang umihi. Ispelingin mo ang na bbwesit? A.K.O. i.y.o.n.! Payo ko lang sa inyo, iwas sa pag kain ng madaming tsokolate at mag hugas palagi ng kamay. Pero kung gusto niyong maramdaman ang mga pinagsasasabi ko para sa sarili niyong eksperimento, gawin niyo lahat ng ginawa ko, at kumain ka na din ng madaming lucky me pancit canton para mas epektib. Teks niyo na lang ako pag nasa ospital na kayo ha?

Nung isang araw pala, pang tatlumpo't tatlong buwan na ng pagmamahalan namin ni misis. biruin niyo napagtyagaan niya ako ng ganun katagal? Anong magagawa ko? Nabihag siya ng karisma ko e at ng kindat ko. *tawa dito.* Mahal na mahal ko iyon. Kahit ano gagawin ko para sa kanya at para sa ikabubuti ng relasyon namin. Tatawirin ko ang mga dagat, susungkitin ko ang mga bituwin, kakain ako ng apoy para sa kanya. ok, hindi ko kayang gawin yan. Hindi ako si superman o si batman at hindi din ako timang. Pero serioso ako sa sinabi kong gagawin ko ang lahat para sa kanya.

Nagdala ako ng tinapay, iba't ibang klase ng karne pang palaman, keso, at ketsap. Nagbaon din ako ng malamig na tubig pangpawi ng uhaw. Ang sarap ng panahon ng araw na iyon. Hindi masyadong mainit at hindi din masyadong malamig. Tamang tama lang para makapagpiknik sa labas. Matagal tagal na ding hindi namin iyon nagagawa at ang araw na iyon ang perpektong araw para dun.

Nagkita kami sa groto para makapagdasal at para makakuha na din ng mas madaming litrato. Pagdating niya, kumain muna kami bago nag ikot ikot. Nabusog ako at nabusog din daw siya. Pero napansin kong merong gumugulo sa isipan niya. Sinabi niya sa akin ang problema dinadama.

Ngayon, katabi ko ang mga nakatambak na papel na puno ng tanong at mga sagot. Para na din itong kodigo kung tutuusin. Merong isang daang tanong at napakadaming posibleng sagot na Kailangan maisapuso bago ko makapayanam ang isa sa mga nagtatrabaho para sa embahada ng estados unidos.

Totoo Ba ito? Serioso ba ako sa gagawin ko? Ang alam ko nakapagpasya na ako. Desidido na akong gawin ang lahat para matulungan ang mahal ko. Isa itong mahaba at mahirap na proseso, pero kakayanin ko para sa kanya at para sa amin. Pangalawang plano lang naman ito baka sakaling hindi mangyayari ang pangunahing plano.

Ang alam ko, masyadong mahaba ang binabasa niyo at malamang ay naguguluhan kayo. Ito ang nangyayari kapag matagal kang hindi nakapagsulat sa pahina mo.
 
Sa pag apak ko pa lamang sa paliparan, madami ng mga tao na nag totore sa palibot ko. Karamihan sa kanila ay mga puti, matatangos ang ilong, at mala ginto ang buhok. Meron ding mga itim, mga hispano at latino, mga indiano, mga intsik, at kung ano ano pang mga nasyonalidad. Napakalaki ng paliparan. Madaming mga tindahan, restawran, at kung ano ano pang maiisip mong pwede bilhin, mahahanap mo dun. Para akong nasa kagubatan, na sa isang maling pag liko hindi ko na mahahanap ang mga kasama ko.

Kasama ko nga ang pamilya ko, pero hindi ko din naman talaga sila kilala. Para akong aso na sumusunod at bumubuntot kahit saan sila pumupunta para lang hindi maligaw. Gusto ko ng umuwi sa pilipinas. Pinipilit kong magising sa akala kong panaginip lamang; ako ay hindi nagtagumpay. totoo ang mga nangyayari. Ako ay nasa ibang bansa. Dun ko lang opisyal na naramdaman na wala na talaga ako sa lupang sinilangan.

Ibang iba talaga ang estados unidos kung ikukumpara sa pilipinas. Sa mga daan pa lamang na napakalawak at espaltado hanggang sa estilo ng pagmamaneho ng mga drayber. Mas maayos ang mga kalye at parang nakapila ang mga kotse sa iisang linya lamang -- hindi kagaya sa pinas na kahit saang merong bakante na daan pwede magmaneho dun. Wala akong nakitang basura na nakakalat sa daan at napakalawak ng lupain na parang wala ng hangganan.

Akala ko sa pag lapag ng eroplano, mga ilang minuto lamang nasa bahay na kami. Yun pala, madadagdagan pa ng dalawang oras ang byahe namin at idagdag mo pa ang pag hintay ng mga maleta. Pagkatapos namin makuha ang napakabigat na mga maleta namin, Papunta na kami sa Pinakahuli naming destinasyon; ang bahay nila. Pakiramdam ko isang araw kaming nakasakay sa trak ng erpat ko pauwi sa bahay nila. napakasakit na ng pwet at katawan ko. ang pinakamasakit sa lahat ay ang tiyan ko kakapigil ng pag labas ng utot ko.

Sa pag gising ko (sabay punas ng laway na tumutulo), binangit nila na malapit na daw kami sa paroroonan. masayang masaya ako sa narinig na balita at naisip ko kaagad ang kamang naghihintay sa akin. Handa na akong humiga at matulog ng ilang dekada pagkatapos ng napakahaba at nakakapagod na byahe.

nakita ko na ang bago kong tahanan. bigla akong nagising. hindi ako makapaniwala na yun na ang bago kong titirhan. Ibang iba din ang mga bahay dito sa estados unidos kung ikukumpara sa mga bahay na kinagisnan ko. Lahat malalaki, lahat magaganda, lahat mukhang mamahalin. Higit sa lahat, hindi dikit dikit sa isa't isa ang mga bahay dito (depende sa lugar na tinitirhan mo). Nakalimutan ko pansamantala ang pagkaulila ko sa Pilipinas. Natuwa ako sa nakita ko at namangha. Pag pasok ko sa bahay, ako'y nahimasmasan na sa nararamdaman kong galak. Ako'y natulog na.

Limang taon na ako dito sa estados unidos. Sa limang taon na iyon, apat na taon akong nakatira sa bubong ng mga magulang ko. Ako'y isang estranghero sa mga taong iyon. Nahirapan akong kilalanin sila lalo na ang totoo kong magulang; ang mama ko. Nahirapan akong intindihin ang mga biro nila, mga iniisip nila, at ang mga paraan nila. Oo namimiss ko ang pilipinas, pero wala akong magawa kundi mag tiis kasi ito ang gusto ng mga magulang ko. sila ang nagsusustento sa akin kaya wala akong ibang magagawa kundi sundin sila sa lahat ng gusto nila.

Pinakauna kong trabaho dito ay ang pag alaga ng mga matatanda. Nakatira sila lahat sa isang gusali eksklusibo lamang para sa mga matatanda. halos lahat ng karamdaman na maiisip mo nandun. simula sa Pagiging makakalimutin, mga matatanda na naghahalusinasyon, at yung sadyang may sayad lang talaga. lahat nandun. Parang isang malaking pinyata ang tirahan nila, at ang mga laman ng pinyata ay ang mga matatanda na nakatira sa gusaling iyon.

sa bawat walong oras na pag lagi ko dun sa trabaho ko, pakiramdam ko tumatanda ako ng isang taon. Masakit ang likod ko, mga paa, at ang ulo ko ay sumasakit din dahil sa kunsomisyon na dinudulot ng mga inaalagaan ko. Mahirap kumita ng malaking pera sa ganitong paraan kasi kelangan mo talagang paghirapan. Kelangan mong bihisan sila sa umaga, pakainin, paliguan, at kelangan mong siguraduhin na komportable sila. at pag umihi sila o tumae, syempre kelangan ko silang linisan, punasan, at pabanguhin ulit. para ka lang nag alaga ng bata, pero sa sitwasyong ito, ang bata na inaalagaan mo ay mas malaki, mas mabigat, at mas matanda keysa sa sa'yo. Mahirap, nakakapagod, at minsan nakakainis ang trabahong ito, pero kelangang gawin. Labing walong taong gulang lang ako sa unang araw ko sa trabahong ito.

Hindi ko inakala na ganito ang mapagdadaanan ko dito sa estados unidos. Akala ko, maginhawa at madali ang mararanasan kong buhay dito. Akala ko, pag nakatira na ako dito, mayaman na ako. kasi hindi ba ganun din naman ang tingin natin sa mga taong nakatira dito? mayayaman? maginhawa ang buhay? Walang paghihirap? Walang mga dukha at mga pulubi? mali ako. lahat ng kuro kuro ko ay mali at malayo sa katotohanan. Lahat ng inakala ko nung ako ay lumalaki ay pawang ilusyon lamang.

Ang buhay sa estados unidos ay hindi kasing dali ng iniisip ng karamihan. kelangan mong magsumikap. kelangan mong magtrabaho para mabuhay. Kelangan kumayod para mabayaran ang bahay at kotseng hindi makakamtan kung hindi uutang. kelangan bayaran ang napakamahal na matrikula pagkatapos mag aral. Kelangan mag trabaho para merong pagkain sa mesa, tatlong beses sa isang araw. kelangan mong mag sumikap mag isa para sa sarili mo at para sa mga taong umaasa sa'yo na nasa ibang bansa. Kelangan mag trabaho para lang makabigay ng pasalubong kay lolo at lola. sa mga pinsan na walang alam kundi mang hingi ng damit at sapatos. mga tiya na mahilig sa mga relo at kwintas. sa mga tiyo na mahilig sa sapatos at maninipis na telebisyon. kelangan magkapera para sa kanila na pati mga luho mo nakakalimutan mo na.

Ganito ang buhay sa ibang bansa. Hindi ito kasing ganda ng iniisip niyo di ba?
 
nag text ang erpat ko. sabi niya, "dapat ipinagmamalaki mo ako."
kinakausap ako ng isipan ko. "ano naman kaya ang nangyari."
sabi niya, "pinaglalaban ko ang mga lesbiana sa mundong 'to."
naguluhan ako ng konte. "lalo na kay mama."
"yan din. pero iba. sa mga suki kong kontraktor."
gusto kong makiusyoso sa pinagusapan nila. "o anong nangyari?"
"yung kontraktor may kinakausap na isa pang kontraktor. sabi nila ang mga lesbiana daw at mga bakla ay dapat wag ng lumabas sa pinagkakataguan nila kasi mga imoral sila. wala silang karapatan magpakasal."
iniisip ko, "eto nanaman po tayo sa mga taong makikitid ang utak."
tinanong ko si erpat, "o anong sinabi mo sa kanila?"
"prinangkahan ko sila at sinabihan na wala na yun sa inyo kung anong ginagawa at gusto nilang gawin. karapatan nila iyon. at kung hindi niyo yun maiintindihan, lumabas kayo sa tindahan ko!"
*ako'y tahimik na pumapalakpak at nagdiriwang sa isipan ko*
"nag wagi ang mga lesbiana at bading!"

kung ganyan lang sana kadali manalo ang mga lesbiana at mga bading, wala na sana tayong dapat ikabahala sa panahong ito. hindi na sana tayo takot lumabas sa pinagkakataguan natin kasi tangap na tayo ng sanlipunan. wala na sanang takot na mapalayas kasi babae ang anak nila at hindi "lalake." wala na sanang kelangan magpangap para lang matangap sila ng mga taong pinapahalagaan nila. Matagal na sanang napakilala ang mga kabiak sa buhay sa mga magulang ng walang takot na baka paghiwalayin sila. wala na sanang buhay na nasasayang kasi napaginitan sila dahil lesbiana o bakla sila.

ang mundong ito talaga o kay hirap intindihin. kahit na nasa bagong siglo na tayo, pakiramdam ko wala pa ding nagbago. syempre, mahirap talaga baguhin ang isang ugali. paano na kaya pag ang pagkatao ng isang lesbiana o bading ay gustong baguhin ng mga magulang nila o mga kaibigan nila kasi "mali" daw iyon? hindi bang mas mahirap iyon?

para sa akin, ang pagkatao ng isang indibiduwal ay nakalilok na sa simula pa lamang. may plano na ang diyos sa bawat tao na nilalagay niya sa mundong ito. naka mapa na ang ating hinaharap at tayo na ang bahala sa pag diskubre ng ating tadhana. nilagay niya tayo dito sa mundo para mag mahalan at hindi para masuklam sa taong hindi sumusunod sa estadong "normal."

ano nga ba sa mundong ito ang matatawag na normal? ano ba ang tama at ano ang mali? paano nasasabi na katanggap tanggap ang idea ng isang tao o hindi? ano ba ang naaakma at hindi akma? ano ba ang dapat at hindi nararapat gawin? sino ang may kapangyarihan para magpasya at maghusga sa buhay ng isang tao?

alam ko meron tayong mga "alagad ng hustisya." meron tayong mga pulis at huwes bilang taga sugpo ng krimen, mga guro para magturo ng leksyon, kaibigan para hindi nakakabagot ang buhay, at mga magulang para mamalo at mangurot ng singit pag bumagsak sa paaralan. yan ang alagad ng hustisya ko (maliban sa pangungurot ng singit. walang hustisya dun!) pero sino nga ba ang may karapatang ipagkait ang pribilihiyong magmahal? wala. walang sino man ang may karapatang pag bawalan ang isang tao na mag mahal. babae, lalake, bakla, at lesbiana, lahat merong karapatang mahalin ang taong gusto nila. alam kong hindi ito tanggap ng kulturang pilipino. nakatatak na sa ating isipan na "ang babae ay para sa lalake at ang lalake ay para sa babae lamang." pero masama bang mag mahal?

hindi ko alam kung hanggang kelan tayo lalaban para sa ating mga karapatan. hindi ko alam kung kelan matatangap ng lipunan ang mga lesbiana at mga bading. hindi ko alam kung kelan darating ang araw na hindi na tayo dapat matakot para sa ating buhay. ang alam ko lang, hindi masama mag mahal. mas masama ang masuklam sa mga taong walang ibang ginawa kundi mag mahal.

ang erpat kong pogi talaga. kasalanan niya kung bakit ako napaisip ng ganito ka lalim.
 
Picture
pagkatapos kong mailathala ang pahayag ko tungkol sa impluwensya ng facebook sa buhay ko, kinabukasan ang dami kong nagawa. hindi man ako nakapaglinis ng apartment namin, nakabili naman ako ng mga bagong palayok at gamit sa pagluluto (bihira lang kasi ako lumalabas ng bahay kapag wala akong pasok sa trabaho). matagal ko ng layuning gawin iyon, pero kanina ko pa lamang nagawa. nabutas ang bulsa ko, at hindi man lang nagpasalamat kaagad ang misis ko (kelangan ko pa mag tampo para sa isang salamat), pero ayos lang. bago na ang mga palayok namin! *tumatayo ang lahat at pumapalakpak*

tapos biruin niyo, nakapagguhit ako ulit pagkatapos ng ilang dekadang hindi man lang ako nakapagsketch. yan ang aso namin, si dopey. pwede ding tawaging dope (pag galit ka sabay dabog sa sahig) at dopya (pag gusto mong makipaglaro sa kanya). pwede mo din siyang tawaging cindy, dodoy, at kahit anong pangalan maiisip mo lalapit siya sa'yo. pakiramdam ko basta masayahin lang ang tono na gagamitin mo, aangkinin nya ang kahit kaninong pangalan.

wala naman talagang say-say ang post na to, gusto ko lang ibahagi ang iniisip ko bago ako matutulog. pakiramdam ko kasi ang dami kong na kamtan sa araw na ito. o, ano pang hinihintay niyo? balik na kayo sa mundo niyo. mamaya naman balik kayo dito pag may kabuluhan na ang mga sinasabi ko.


 
HINDI KO ALAM KUNG BAKIT KO NAISIPANG GUMAWA NG SARILI KONG WEBSITE. matagal na kasi itong iminungkahi ng isa sa malalapit kong mga kaibigan, pero ngayon ko lang naisipang gawin talaga. pakiramdam ko din kasi na masyado na akong nahuhumaling sa mga laro sa facebook at hindi ko na nagagawa ang mga hilig kong gawin nuon; yun ay ang mag sulat at ipahayag ang mga opinyon ko.

pakiramdam ko wala na akong nasisimulan at natatapos pag umuupo na ako sa harap ng kompyuter ko para mag facebook. pag gising ko, makalat ang apartment namin, pag tulog ko makalat pa din. tumatayo lang ako para kumain, umihi, at para pa ihi-in o pa tae-hin ang aso namin. hindi ko layuning siraan ang napakagaling na imbensyon ni Mark Zuckerberg. ang katotohanan nga e malaki ang pasasalamat ko sa nilikha ng henyong ito kasi nakakausap ko na ang dati kong mga kaklase simula elementarya hanggang hayskul, nakakachikahan ko ang mga kapitbahay ko sa cebu na akala ko'y di ko na makakausap ulit, nakakahalubilo ko ang mga taong may parehong interes kagaya ko, at ang pinakaimportante, nakakausap ko ang pamilya kong miss na miss ko na.

sa akin lang, hindi lahat ng magagandang naidudulot ng facebook ay walang katumbas na masama -- kagaya ng hinaing ko na wala akong natatapos pag nag kokompyuter na ako (alam kong kasalanan ko yun, pero isang malaking temptasyon lang talaga ang facebook). meron ding mga relasyon na nabubuo at nasisira din dahil sa facebook. merong mga "poser", manloloko, business minded na tao na tina-tag ka sa mga produkto nila, at meron ding mga nangmomolestya ng mga bata atbp.

oo, nakakatakot na mundo ang internet. nakakatakot na mundo ang facebook. pero, isa itong imbensyon na napakagaling sapagkat kaya nitong pag-isahin ang napakalaking mundo natin sa isang pahina lamang. kagaya nga ng sabi ng tiyuhin ni peter parker sa spiderman, "with great power comes great responsibility." ganun ang facebook. kung sa tama ito gagamitin, ito ay ang pinakamagaling na idea na nalikha sa makabagong panahon. pero kung sa masamang paraan ito gagamitin, para na ding inapakan ang katalinuhan ni pareng mark sapagkat ginagamit ang nilikha niya sa masamang gawain.

kung kasing talino lang sana ako ni kumpareng mark, malamang di ako magttyaga sa libreng website lamang. pero pano yan, bobo lang ako. kaya salamat sa weebly.com naipahayag ko ang napakawalang kwentang idea at saloobin ko.