Paumanhin at ang tagal kong hindi nakapagsulat sa kwaderno kong nakakamangha at hindi nakakabagot. Meron lang akong mga bagay na kailangang asikasuhin at hindi pwedeng ipasabukas. Masyado ko lang pinagtuunan ng pansin ang pinagkakaabalahan ko. Halos buong araw ito ang ginagawa ko. Pag gising hanggang sa pag tulog ito ang iniisip ko. Siguro nagtataka na kayo kung ano ang tinutukoy ko ano? Meron na ba kayong mga hula? Wala? Gusto niyo bigyan ko kayo ng idea? Nag sisimula lang naman ito sa letrang “P.” Pagpapantasya? Pagsusugal? Pakikipaghalikan? (Hindi masamang makipaghalikan buong araw basta siguraduin mo lang na nakapagsipilyo ka). Ano sirit na? Pag aaral ko ang pinagkakaabalahan ko – pundar ng aking kinabukasan.

Isang buwan na akong nag aaral. Ang kurso ko ay ang pambansang kurso ng Pilipinas. Ang magiging espesyalidad ko naman ay ang pagiging tambay at pabigat pagkatapos mapasa ang “board exams.” May hula na ba kayo sa kung anong kinukuha ko? Magaling! Narsing ang aking kurso.

Halos dalawang taon na akong nag aaral para maging tambay at hanggang ngayon ay wala pa din akong napapala: hindi pa din ako tambay. Palagi pa din akong nag aaral at gumigising ng maaga para gumastos at mag lagay ng pera sa isang malaking karton na otomatikong tindahan, “vending machine” sa ingles. Mahaba habang paglalakbay pa ang gagawin ko sa pag aaral kong ito. Parang halos isang taon pa ang lalakbayin ko at impyernong tatahakin para maging tambay lang. Kung nasa Pilipinas ako nag aaral, apat na taon ang masasayang. Buti na lang dito sa Estados Unidos ay pwedeng mag aksaya ng isang taon para maging Nars.

Sa totoo lang, hindi naman talaga ako magiging tambay pag nakapasa ako sa eksam na upang mabayaran ko ay kailangan ko munang mag benta ng limang talampakang bituka ko. Makakapagtrabaho naman ako kaagad lalo na ngayong nagtatrabaho din ako sa isang pasilidad na nag aalaga ng mga matatanda. Hindi mahirap mag hanap ng trabaho dito. Ako ang naaawa sa mga taong kailangan pagdaanan ang apat na taon sa impyerno para lang maging tambay. Mahirap makakuha ng matinong trabaho sa Pilipinas na merong mataas at desenteng sahod. Hindi ko alam kung saan napupunta ang perang inuutang ng Gobyerno natin na dapat ay tinutustos sa pag aaral o pag gawa ng trabaho sa bansa. Hula ko na lang ay nahuhulog ito sa mga malalalim na bulsa ng mga taong magaling humawak ng pera ng bansa. Sa sobrang galling nila humawak ng pera ay binubulsa nila ito para makasigurado sila na walang makakanakaw sa perang iyon (kundi sila).

Paumanhin at napunta ako bigla sa politiko. Masyado lang akong ma opinion pag dating sa ganung paksa. Babalik na ako sa pag susulat tungkol sa pagiging tambay…

Ang mga estudyanteng nakapagtapos sa Pilipinas ay kung saan saan na lang naghahanap ng trabaho makapagtrabaho lang. Ang mga nars, nagbibigay ng aplikasyon sa mga “call center.” Ang iba nagiging tindera sa SM o Ayala. Ang iba naman sa Jollibee o sa McDo nag wawalis o nagbibilang ng pera. Nakakaawa. Nakakainis. Nakakasuklam. Hindi ba dapat ang mga nars sa ospital nag tatrabaho? Hindi sila nag aral kung saan dadaan ang  dugo sa buong katawan para kunin ang order natin!

Hindi ko alam kung ano ang gagawin ng gobyerno para masolusyunan ang pag lisan ng ibang mga nars papunta sa ibang bansa para lang makapagtrabaho at makakuha ng desenteng sahod. Ginagawa lang nila ang tingin nilang magandang desisyon para mabuhay ang kanilang pamilya. Sa totoo lang hindi naman talaga kailangan magibang bansa kung ang gobyerno mismo ng Republika ng Pilipinas ang gagawa ng solusyon para matigil ang pag “brain drain” ng bansa. Pakiramdam ko lang naman kasi, plantasyon ng mga magagaling at matatalinong nars ang Pilipinas. Tagapagpadala ng mga nars papuntang Estados Unidos, UK, UAE, at kung saan saan pa para lang minsan maabuso at para mahiwalay sa pamilya.

Mahirap mag isa sa ibang bansa. Kung meron lang paraan para makahanap ng matinong trabaho ang mga nars sa Pilipinas mas pipiliin nilang manatili sa Lupang Sinilangan, pustahan pa tayo. Walang may gusto mangibang bansa kung meron lang sanang matitinong trabaho sa Pilipinas. Ba’t ba kasi pumapayag ang Gobyerno na ibang bansa ang nakakagamit ng magagaling nating mga trabahador kagaya ng mga guro, inhinyero, mga doktor at dentista, at madami pang iba. Kung may gagawin lang sana ang Pilipinas, wala ng pamilya na mahihiwalay dahil lamang sa pera. Wala ng mga anak na lalaki na walang kinikilalang ina o ama kasi kailangan nilang mangibang bansa. Wala ng mga lolo at lola na mag aalaga ng mga apo nila kasi lumipad papuntang Estados Unidos ang mama ng apo nila para mabigyan ng magandang kinabukasan. Masakit isipin na kailangang pagdaanan ng mga Pilipino ang mga bagay na ito. Mahirap intindihin kung bakit kailangang mangibang bansa para mabuhay ang pamilya sa sariling bansa.

Paumanhin at ako ay biglang nag sermon, ako’y napaisip lamang. Paumanhin, paumanhin.