Nasa paaralan ako kanina, nagkukunwaring gising habang dumadakdak ang guro. Parang karaniwang araw lang; madami kaming ginagawa, inaantok ang karamihan (kasama na ako dun), at hindi na nararamdaman ang pwet. Dahil sa nabagot ako, tumingin ako sa labas ng bintana at napansin ko na ang dilim na pala sa labas. Ang lakas na ng hangin at sumasayaw na ang mga puno. Biglang nawala ang kuryente. Sinasabi ko na nga ba, magiging eksayting na din ang araw na ito sa wakas!

Dumating ang isang guro, tinanong kami kung ayos lang ba kami. Ang sabi ko naman, “Oo naman ayos lang kami! Hindi pa tapos ang diskusyon at nawalan kami ng kuryente. Ah, oo pala. Sumasayaw na ang mga puno sa labas!” Ok, hindi ko talaga sinabi yon. Nasa isipan ko lang yun. Umalis na ang guro, pero dumating naman yung isa pang guro. Siya ang paborito ko sa lahat. Nakakatawa at parang walang problema. Syempre ang intro niya ay isang korning biro na nagpatawa sa klase. Pagkatapos niya sabihin na meron palang paparating na bagyo o ipo ipo at baka madaanan kami at baka kailangan naming mag tago, umalis na siya. Kaya pala nag biro! Meron palang gustong sabihin na importanteng bagay.

Sinubukang magpatuloy sa aming diskusyunan ang aming guro. Walang ilaw, walang malamig na hangin, at walang nakikinig. Biglang bumalik ang korni naming guro. Pinapaalis na kami sa silid aralan naming para mag tago. Aba may fieldtrip kami! Bumaba kami papunta sa unang palapag para hindi kami matangay ng ipo ipo kapag natangap ang bubong. Ngayon gising na ako at natutuwa kasi naligtas ako sa nakakabagot na diskusyunan.

Nakaupo na kami dun sa pasilyo naghihintay na matapos na ang bagyo. Ang iba parang wala lang; nagtatawanan, nag fafacebook, nakikipagchikahan. Ako? Naiihi ako! Lecheng pantog bakit ngayon pa gusto umihi?

Walang ipo ipo na tumama sa paaralan naming kanina. Maswerte kami at meron pa kaming paaralan na papasukan bukas. Maswerte kami kasi pwede pa kaming mabagot ulit bukas at pwede ding hindi na namin maramdaman yung pwet namin kasi nakadikit ito sa upuan. Yung iba ay hindi masyadong mapalad, lalo na dun sa Joplin, MO (mga tatlo o apat na oras ang layo sa tinitirhan ko ngayon) hindi sila gaano ka swerte. Tinamaan sila ng napakalakas na ipo ipo at sirang sira ang isang ospital dun. Ang mga bahay ay nabura at ang natira na lang ay ang mga kahoy na ginamit pang pundasyon. Wasak na wasak ang mga sasakyan, nakapatong sa isa’t isa. Madaming materyal na bagay ang nasira, madaming mga alaga na hindi mahanap, madaming tao ang nawawala, madaming tao ang namatay. Napakalaking sakuna ang nangyari kahapon. Madaming pamilya ang nahiwalay, madaming mga gusali ang nasira, at madaming banko at kompanya ng “insurance” ang malulugi dahil sa nangyari.

Napapadalas na ang mga kalamidad at sakuna ngayon. Nung isang araw lang, merong nanghula na gugunaw na ang mundo nung ika dalawampu’t isa ng Mayo. Tapos yung lindol at tsunami naman sa Japan na nagpakomplikar ng “nuclear plant” nila. Meron ding ipo ipo na sinira ang mga bahay na malapit sa paaralan ko ngayon nung desperas ng bagong taon.  Hindi ko na matandaan ang iba, pero ang alam ko lang ay madami ng sakuna na nangyari at kakasimula pa lang ng taon. Paano na pag natapos na ang taon?

Ano ba talaga ang balak ng Diyos para sa atin? Bakit parang unti unti Niya ng binabago ang mundo sa pamamagitan ng mga kalamidad at sakuna? Sawa na ba Siya sa mga krimen na nagaganap sa mundo na parang gusto Niya na lang mag simula ulit? Ano ba ang dapat nating gawin para maging handa tayo? May magagawa ba tayo para maiwasan ang mga sakunang ito?

Hindi ko talaga alam kung ano ang balak Niya para sa atin. Hindi ko alam kung anong gagawin ko pag magiging biktima ako at ang misis ko sa isang kalamidad. Ang alam ko lang ay ang mag ingat palagi at pag masama ang panahon, wag na lang gumala at mas piliin na lang ang pagmukmok sa bahay. Ilagay sa telepono ang mga numero na kailangan tawagan pag nawalan kami ng kuryente. Dapat nakahanda palagi ang mga “flashlight” at madaming ekstrang baterya baka sakaling kailangan ng madami pa. Meron kaming tatlong galon ng tubig baka sakaling mawalan ng tubig (dapat nga isang galon para sa isang tao kada araw). Manuod ng balita palagi lalo na pag merong bagyo at ngayong meron ng mga “laptop” punta lang kayo sa “twitter” at madaming mga may sayad na nag ttweet kung nasaan ang ipo ipo o bagyo. Laging punuin ang baterya ng selpon at wag muna pansinin ang mga “gm” ng iba. Ipakitang kalmado ka kahit na takot na takot ka na at gusto mo ng umihi sa panloob mo. At ang pinakahuli, wag na wag kalimutan mag dasal.

Para naman sa mga gustong tumulong sa mga nasalanta ng bagyo, malaking tulong ang kahit na anong bagay. Tubig, pagkain, damit, kumot, pera, kahit na anong klaseng tulong pwede. Bidang bida ang Red Cross sa kalamidad at alam kong okupado talaga sila sa taong ito kaya kung kaya mo, mag boluntaryo ka sa kanila. Pag wala ka talagang pera at ayaw mong mag boluntaryo, ipagdasal mo na lang ang mga taong nasalanta ng kalamidad at ang mga taong buhay pa pero hindi mahanap ng iba.

Wag na wag mong hahayaan na sirain ng kalamidad at sakuna ang buhay mo. Siguro nga nawala na ang lahat ng gamit na pinaghirapan mo, pero ang importante ay buhay ka. Bumangon ka at wag na wag sumuko.

Kailangan ko na pala matulog. Meron pa pala akong paaralan na papasukan bukas. Sa susunod ulit.